Bilang ng nagpopositibo sa HIV kada araw, tumaas

0

Tumaas ang bilang ng mga kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) na naitatala sa Pilipinas kada araw, batay sa datos ng Department of Health (DOH).

Sa pinakabagong datos ng DOH Epidemiology Bureau, umabot na sa 31 tao ang naiuulat na may HIV sa Pilipinas kada araw.

Malaki ang itinaas nito kumpara noong 2008 na isang tao lang kada araw.

Sa tala rin ng ahensiya, ang Pilipinas ang may pinakamataas na pagdami ng kaso ng HIV sa loob ng 10 taon sa buong rehiyon ng Asia-Pacific. Umabot na ito sa 140%.

Dahil sa nakababahalang pagtaas, nakipag-ugnayan ang DOH sa mga lokal na pamahalaan para magpakalat ng kaalaman tungkol sa sakit.

Sa Quezon City, idinaos nitong Martes ang ikalawang HIV Summit.

Ibinahagi ni Quezon City Mayor Herbert Bautista na isasama sa kurikulum ng high school sa lungsod ang pag-aaral tungkol sa HIV.

Isasama sa asignaturang music, arts, physical education, at health ang pag-aaral sa HIV.

Ayon sa DOH, mahigit 4,000 ang naitalang kaso ng HIV sa Quezon City.

Iginiit ng Quezon City Health Office na bukas sila sa mga nais magpasuri kung may HIV.

Mungkahi naman ng ilang HIV advocates na payagan ang mga menor de edad na sumailalim sa HIV test kahit walang parental consent o pahintulot ng magulang.

Hindi rin dapat umano isipin na sentensiya ang pagkakaroon ng HIV.

SOURCE: ABSCBN

Share.

Leave A Reply