Paggamot ng sakit tatagal kung mali ang pag-inom ng antibiotic

0

Nagbabala ang ilang eksperto sa medisina hinggil sa mas matagal na pagpapagaling ng mga sakit kung hindi wasto ang pag-inom ng antibiotics.

Nakaugalian kasi umano ng mga Pilipino ang basta-bastang pag-inom ng antibiotics kahit hindi nireresetahan ng doktor.

“Mahalagang huwag po tayo basta-basta uminom ng antibiotic kung hindi kinakailangan… Makapagdudulot ito ng sama sa ating katawan, makakapag-develop tayo ng resistance kung hindi kinakailangang uminom nito,” paliwanag ni Dr. Cora Flores, direktor ng pharmaceutical division sa Department of Health.

Kadalasan kasi umiinom ang mga may sakit ng antibiotics kahit hindi nila alam kung virus o bacteria ang sanhi ng kanilang karamdaman.

Nakasasama ito dahil bukod sa dagdag-gastos at walang bisa ang iniinom na antibiotics, nagiging “resistant” o lumalakas ang mikrobyo laban sa antibiyotiko.

“Kapag nagkaroon ng resistance, hindi na tatalab ‘yong karaniwang antibiotic,” ani Dr. Jay Ron Padua, isang eksperto sa mga infectious disease o mga nakahahawang sakit.

Bunga umano nito ang mas matagalang paggamot.

Ibinahagi ni Flores ang paggamot sa tuberculosis bilang halimbawa.

Anim na buwan lang ang karaniwang panahong itinatagal para gamutin ang tuberculosis subalit maaari itong tumagal nang hanggang 18 buwan kapag nagkaroon ng resistance ang mikrobyo.

Payo ng mga eksperto na magpatingin sa doktor para mabigyan ng wastong reseta.

“Kinakailangan nagpapakonsulta sa doktor para nakapagreresta ng tamang dosage, tamang gamot, tamang paraan kung paano ito i-take… kung oral o IV (intravenous injection),” paliwanag ni Flores.

Dagdag pa rito, ani Padua, dapat tapusin ng may sakit ang pag-inom ng antibiyotiko batay sa resetang ibinigay ng doktor.

Minsan kasi’y kapag naramdaman ng may sakit na gumaan ang kaniyang pakiramdam, itinitigil na nito ang pag-inom ng antibiyotiko.

“Hindi napupuksa [ang mikrobyo], nanghihina lang sila. Tatapang pa sila lalo,” ani Padua.

Source: ABS-CBN

Share.

Leave A Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.